LIMANG katao ang nasa malubhang lagay habang higit sa 30 naman ang nasugatan nang magkasunod na sumabog ang dalawang improvised explosive device (IED) sa isang boxing arena sa Leyte town nitong Miyerkules ng gabi.
Sinabi ni P/Supt Franco Simborio, hepe ng Leyte Police Provincial Office (LPPO), kinilala ang mga biktimang sina John Reynal Lamo, 15, Vicente Nunez, 24, Jessica Geli, 19, Mary Aves, 31, Ricardo Regaton, 53, Jun Rey Lumbre, 20, Aldrin Goltiano, Joseph Ryan Bohol, 24, Domingo Oliva, 60, Kevin Manicar, 13, Cristita Ano-Os, 47, Jay Miguel Liba, 15, Christian Lelis, 14, Letecia Liba, 55, Erwin Liba, 33, Rudy Bulfa, 33, Giselle Managbanag, 25, Edgar Acsol, 56, Elmer Rebullos, 27, King Michael Melgazo, 15, Leonilo Villaro, 28, Doroteo Libres, 50, Roselyn Lasmarias, 42, Wilbert Fornis Alingasa, 14, Guillermo Solera, Rogelio Managbanag, 26, Banoy Abes, 31, Marnilo Macarat Lusuegro, Chris Angel Abina, 7, Jessie Abina, 32, Marcelina Abina, 67, habang ang ilan naman ay hindi nakuha ang mga pangalan.
Karamihan sa mga ay kalalakihang nagtamo ng shrapnels sa katawan.
Isinugod ang karamihan sa Hilongos District hospital habang ang ilan naman ay sa Baptist Hospital sa Tacloban City .
Blangko pa ang pulisya sa kung sino ang mga taong nasa likod ng pagpapasabog at kung ano rin ang motibo sa pag-atake.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong 9:20 p.m. sa tapat ng Hilongos Municipal Hall.
Bago ito, nagdiriwang ng kapistahan ang Hilangos town at nagpa-boxing sa tapat ng naturang munisipyo.
Pero habang nanonood ng laban ang mga boxing fans, biglang sumambulat ang isang bomba na itinanim sa ilalim ng boxing arena at ilang segundo lamang ang nakalipas ay sinundan pa ulit ng isa pang pagpasabog.
Ayon kay Simborio, may isa pang bomba ang narekober sa lugar at sinuwerteng hindi sumabog habang ang ginamit bilang pampasabog ay bala ng 81mm. mortar.
Ang una aniyang pagsabog ay full blast habang ang sumunod naman ay “low order” o halos kalahating pagsabog lamang.
Mayroon na aniyang natukoy na ilang “person of interests” pero patuloy pa ring na iniimbestigahan ang pagkakakilalanlan ng mga ito.
Nire-review na rin nila ang CCTV footage para malaman ang kabuang nangyari sa naturang insidente. BOBBY TICZON/PHOTO BY: BOHBIE FLORES