HUMANTONG sa madugong bakbakan ang pagsisilbi ng search warrants nang kumasa sa mga miyembro ng Regional Criminal Investigation Detection Group (RDIDG) ang mga tauhan ni Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog kaninang Linggo ng madaling-araw.
Sinabi ni Misamis Occidental Provincial Police Office chief S/Supt. Jaysen de Guzman, pawang namatay noon din sanhi ng mga tama ng bala sa katawan ang naturang mayor, asawa nitong si Susan, board member na si Octavio Parojinog at limang mga miyembro ng civilian volunteer organization na nakilalang sina Miguel del Victoria, Nestor Cabalan, Daniel Vasquez, at dalawang hindi pa nakikilalang lalaki.
May ilang kapulisan naman ang nasugatan sa pagsabog at ngayo’y nagpapagaling na lamang sa pagamutan.
Binitbit naman sa presinto ang vice mayor ng lungsod at anak ni Reynaldo na si Nova Princess Parojinog Echavez at ilan pang indibidwal at ngayo’y isinasailalim sa interogasyon.
Nakatakas naman at ngayo’y pinaghahanap ng pulisya ang isa pang board member na nakilalang si Ricardo Parojinog.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong 2:30 a.m sa residential compound ng mga Parojinog sa Brgy. San Roque Lawis.
Bago ito, dumating sa residential compound ni Parojinog ang mga tauhan ng RCIDG para isilbi ang kanilang dala na anim na search warrants dahil sa pagtatago ng loose firearms.
Pero imbes makipag-usap o kwestiyunin ang hakbang, sinalubong ang mga pulis ng mga putok ng baril habang sila’y pumapasok sa compound ni Parojinog.
Dito na napilitang gumanti ng putok ang kapulisan na tumagal nang halos dalawang oras bago napasok isa-isa ang mga bahay ni Parojinog.
Sa inilatag na clearing operation, natagpuan ang bangkay ng mag=asawang Parojinog at iba pang mga biktima sa magkakahiwalay na bahay.
Ayon kay Supt. Lemuel Gonda, spokesman ng Police Regional Office 10, may natangggap siyang ulat na may 12 – 13 katao ang namatay sa insidente pero bineperipika pa ito.
Nakumpiska sa mga bahay ni Parojinog ang ilang piraso ng granada, M79 rifles, .45 pistols, at hindi malamang halaga ng shabu at pera.
Nakumpiska naman sa bahay ni dating board member at kasalukuyang city councilor Ardot Parojinog ang isang shotgun, tatlong rocket propelled grenade launchers, dalawang hand grenades, walong M79 bullets at isang M79 riffe, shabu paraphernalia, at mga shabu. Hindi ito inabutan sa kanyang bahay.
Ang operasyon ay pinangunahan ni C/Insp. Jovie Espenido, Ozamiz City police chief.
Matatandaang si Espenido rin ang hepe ng pulisya ng Albuera, Leyte, na ang dating mayor na si Rolando Espinosa, ay napatay ng mga pulis sa loob ng kulunngan nito noong nakaraang Nobyembre.
Naging laman din ng mga pahayagan ang pangalan ni Parojinog matapos makasama sa listahan ni Pangulong Rodrigo Duterte na mga pulitikong sangkot sa illegal drugs trade. BOBBY TICZON