SIYAM katao ang inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos na maaktuhang iligal na nangingisda sa sakop ng Navotas City.
Kinilala ni NBI Director Dante A. Gierran ang siyam na sina Jun Esatan (Boat Captain), Rodolfo Perez (Segunda Maestro), Erwin Tremotcha (Makinista), Floro dela Jente (Segunda Maestro), Rolly Beling (Makinista), Tirso Beling (Boat Captain), Leonardo Jugaran (Boat Captain), Rolando Russians (Boat Segunda Maestro) at Riche Langit.
Ayon sa NBI, nakatanggap sila ng impormasyon na may ilang indibiduwal na illegal na nangingisda sa sakop ng Navotas City kung saan gumagamit ng Danish Seine o tinatawag na “Hulbot”.
Matapos na nakumpirma, nagsagawa ng operasyon ang NBI-Environmental Crime Division (EnCD) sa pamumuno ni Chief Atty. Czar Nuqui kung saan naaktuhan ang siyam na katao na aktong nangingisda gamit ang dalawang motorized banca, gayunpaman, wala rin silang maipakitang fishing permit at lisensiya ng banca, dahilan upang arestuhin ang mga ito.
Nabatid na ang Hulbot ay isang uri ng iligal na pangingisda kung saan ginagamitan ito ng bakal na pantaboy sa mga isda, gayunman, ito ay maaring tumama sa seawall at makasira sa mga corrals.
Ginagamitan din ito ng wikang maliliit na butas na fish net kung saan maging ang maliliit na isda ay nahuhuli.
Ang mga naarestong mangingisda ay umaabot hanggang sa Corridor na sakop ng Cavite hanggang sa Limay, Bataan.
Nabatid na naaresto na rin ang ilan sa kanila subalit na-release din ang mga ito.
Sa ilalim ng Fisheries Administrative Order No. 246 series of 2014, ang paggamit ng Danish Seine and Modified Danish Seine o Hulbot at ipinagbabawal na sa alinmang dagat sa Pilipinas.
Nakumpiska rin ang kanilang fishing paraphernalias.
Kasong paglabag sa Republic Act No. 8550 (Philippine Fisheries Code of 1998) of “An act to prevent, deter, and eliminate illegal of anautorizd, unreported and unregulated fishing, such as operating a commercial vessel with No License and Possession of a fishing gear or prorating a fishing vessel in a fishing area with No License’. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN