NAGBUGA ng makapal na puting usok ang Bulkang Mayon kaninang umaga.
Natakot naman ang mga residente na nakatira sa paanan ng bundok dahil sa pagsabog ng bulkan .
Gayunman, hindi naman umano maituturing na isang pagsabog ang pangyayari dahil wala namang magma na lumabas o kasama sa pagbuga ng makapal na usok.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Philvocs), bunga lamang ito ng nakulob at naipon na pressure dahilan upang magbuga ng makapal na usok na umabot sa halos 500 metro.
Bukod dito, walang naitalang pagyanig kaya wala umanong paggalaw sa ilalim ng lupa.
Matatandaan na 2009 nang huling maganap ang pagsabog ng Bulkang Mayon.