UMAKYAT na sa lima katao ang namatay sa pagsabog at pagbuga ng makapal na abo ng Mayon Volcano ngayong umaga.
Ayon sa report, si Kenneth Jesalva ay isa sa tatlong tour guide na nakaligtas nang maabutan sila ng pagbuga ng abo at pag-ulan ng mga bato mula sa bunganga ng bulkan.
Sinabi ni Jesalva na limang dayuhan na mula sa bansang Australia at Korea ang kanilang sinamahan nang bigla na lamang silang makarinig ng malakas na dagundong.
Nasundan naman ito ng pagbuga ng usok at ang tila pag-ulan ng mga bato na siyang nakadale sa mga turista at isang tour guide.
Si Jesalva na nasa camp site ay sugatan habang ang isa pa nilang kasamahang tour guide ay kritikal ngayon.
Rumesponde na ang rescue teams sa lugar upang maibaba ang mga biktima.