TINANIMAN ng 11 tama ng bala sa katawan ang isang “dayo” na lalaki kagabi sa Baseco, Tondo, Maynila.
Inilarawan ang biktima na nasa edad 35-40, may taas 5’4, balingkinitan ang pangangatawan, nakasuot ng t-shirt na kulay itim at pula, asul na jacket, kulay pink na pantalon, asul na baseball cap at sinelas na itim.
Ayon kay SPO3 Rogelio Lingcong ng Manila Police District-homicide section, dakong alas 10:00 kagabi nang maganap ang insidente sa lugar kungsaan kumpitensya sa droga ang tinitignan nilang anggulo dahil wala naman nakakakilala sa biktima sa lugar.
Una rito, nakarinig umano ng sunod-sunod na putok si Camarudin Silungan, 41 , tricycle driver at taga Block 9, Baseco , Tondo, Maynila na noon ay nakikipaglaro ng chess sa loob ng kanyang bahay.
Lumabas ito ng bahay at nakitang duguang nakahandusay ang biktima.
Dinala ang bangkay ng biktima sa Universal Funeral Morgue para sa awtopsiya at safekeeping.