MALUBHA ang lagay ng isang high school student na lalaki matapos putukan ng pen gun at pasuin ang katawan ng hindi pa nakikilalang suspek kahapon ng tanghali sa tapat ng paaralan sa Northbay Boulevard South, Navotas City.
Inoobserbahan sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong punglo ng pen-gun at 2nd degree burn sa kanang bahagi ng katawan si Matt Jefferson Enriquez y Campo, 17, studyante ng Kaunlaran High School at residente ng Blk 21, Phase 18 Apahap st., ng nasabing barangay.
Mabilis na tumakas ang isang hindi pa kilalang suspek bitbit ang ginamit na improvise gun.
Ayon sa ulat, dakong alas 12:00 ng tanghali ng maganap ang insidente sa tapat ng nasabing paaralan sa kapitbahayan ng lungsod.
Nabatid, pauwi ang biktima mula sa kanyang paaralan ng makasalubong ang suspek at sa hindi malamang kadahilanan nagbunot ng baril at agad itong pinaputukan hindi pa ito nakuntinto sinilaban pa ang katawan ni Enriquez.
Inaalam na ng mga awtoridad ang tunay na motibo sa insidente. Naglatag ng manhunt operation ang pulisya laban sa suspek.