POSITIBO ang pulisya na malaking tulong sa isinasagawang imbestigasyon ang kuhang video mula sa closed-circuit television (CCTV) ng isang restaurant kung saan dinukot ang lady broadcaster sa Candelaria, Quezon.
Ayon sa ulat ng Quezon Police Provincial Office, nakunan sa CCTV ang pagdukot kay Melinda Jennifer Glifonea ng 103.1 FM Edge Radio, residente ng St. Jude Village, Phase II, Red V, Lucena City.
Dinukot ang biktima bandang alas-3:56 ng madaling-araw habang kumakain sa lugawan kung saan bigla siyang tinangay ng dalawang lalaki na naka-sombrero at natatakpan ng panyo ang mga mukha.
Nabatid na isinakay si Melinda sa isang silver na Toyota Innova na may covered plate number at may numerong 7858.
Kasalukuyan pang inaalam ng pulisya kung may kaugnayan sa eleksyon ang naturang pandurukot.
Ipinag-utos na rin ni Philippine National Police Chief Alan Purisima sa Quezon Police Provincial Office ang malalimang imbestigasyon sa kaso.