UMAABOT sa 1,886 bilanggo sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City ang makaboboto bukas at magiging kasama sa pagdesisyon kung sino ang mga susunod na opisyal ng bansa.
Ayon kay Muntinlupa Comelec officer Atty. Dina Valencia, handa na ang mga guro na magsisilbing “board of election inspectors (BEI)” sa lungsod kabilang ang 65 na itatalaga sa NBP.
Bukod dito, nasa 270 preso rin na nakaditine sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) detention centers ang makakaboto.
Ayon kay Valencia, natapos na ang pinal na testing at sealing ng mga “precinct count optical scan machines (PCOS)” makaraan ang naganap na aberya noong nakaraang Lunes. Isinagawa ang testing ng kapalit na pitong mga makina at naging matagumpay ito.
Tiniyak naman ni Col. Roque Vega, hepe ng Muntinlupa Police, na nakalatag na ang seguridad sa lungsod.