KALABOSO ang dalawa katao kabilang ang isang pulis na pinaghihinalaang mga karnaper makaraang arestuhin ng mga tauhan ng Makati City police kanina.
Kinilala ang mga suspek na kapwa nakakulong na sa Makati City Police detention cell na sina P03 Wilson C. Regala, nakatalaga sa COMEL ng National Capital Regional Police Office (NCRPO), ng 305 MLQU St., Barangay Lower Bicutan, Taguig City at Alvin Yambao De Guzman, ng 10-D Sampaloc St., ng nabanggit na barangay.
Sa imbestigasyon ng Station Investigation Division (SID), Makati City Police, naganap ang insidente alas-4:40 ng umaga sa kahabaan ng Antipolo St., Barangay Guadalupe Nuevo ng naturang siyudad.
Nakatanggap ng report ang Makati City Police na isang Isuzu Van, na kulay puti at may plakang ZKL-138 ang na-carnap at nagkataon na naroon din ang mga suspek na halos ilang oras silang pagala-gala sa naturang lugar.
Dahil na rin sa impormasyon ng isang guwardyang saksi na tumangging magpabanggit ng pangalan hinggil sa kahina-hinalang kilos ng mga suspek at pinaniniwalaan na ang mga ito ang responsable sa insidente, dahilan upang magsagawa ng operasyon ang mga pulis na nakatalaga sa Precinct 7, Makati City Police laban sa mga ito.
Naabutan ng mga pulis ang nabanggit na mga suspek at nakuhanan ng maraming susi ng sasakyan dahilan upang arestuhin sina P03 Regalo at De Guzman.
Sa ngayon ay sumasailalim sa interogasyon ang mga suspek upang malaman kung sila ng responsable sa talamak na karnaping sa naturang lungsod.