NAKAUNIPORME pa nang damputin ng mga pulis ang kanilang dating kabaro matapos mangingikil sa ginang sa Caloocan City Linggo ng umaga, Mayo 12.
Nahaharap sa kasong robbery extortion, Omnibus Election code at usurpation of authority si dating PO1 Virgilio Sayoman, nasa hustong gulang, dating nakatalaga sa Regional Public Safety Batallon ng Region 3 at residente ng Malvar st., Tondo, Manila.
Sa ulat, dakong alas-6 ng umaga nang kikilan ng suspek si Cyril Manucom, 50 malapit sa bahay ng biktima sa P. Zamora st., ng lungsod.
Nagbigay ng P500 ang biktima subalit pinalad na may nagdaan na mga pulis na naging dahilan upang makahingi ng tulong at madakip ang suspek.
Nakuha sa suspek ang dating ID, badge at replica ng kalibre .45 na naging dahilan upang dalhin sa presinto at sampahan ng mga nasabing kaso.
Ayon pa sa biktima, pangalawang beses na siyang kinikilan ng suspek na nagpapakilalang active pa subalit hindi na sinabi kung bakit siya kinikikilan.