PATAY ang isang 62-anyos na lolo nang pagsasaksakin ng manugang nito matapos nilang magtalo sa Tondo, Maynila kamakalawa ng gabi.
Namatay noon din sa pingyarihan ng insidente ang biktimang si Victorino Pingoy, isang balo ng Bldg 26 Uit 127 Katuparan, Vitas Tondo sanhi ng saksak sa katawan.
Arestado naman ang suspek na si Randy Penero, may live-in partner, tubong Bicol at manugang ng biktima at nakatira din sa nasabing bahay.
Sa report ni SPO2 Ronald Gallo ng Manila Police District (MPD)-homicide section, dakong 8:25 ng gabi nang naganap ang insidente sa loob ng bahay ng biktima.
Sa imbestigasyon, lumalabas na nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang dalawa subalit pansamantalang natigil kaya nagpahinga na lamang ang biktima sa terrace ng kanilang bahay.
Hindi naman akalain ng biktima na babalikan siya ng suspek at habang nakaupo ito sa kanilang terrace ay nilapitan siya ng huli saka walang sabi-sabing pinagsasaksak ito sa likod na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan.
Nabatid na dalawang araw pa lamang ang suspek sa bahay ng kanyang biyenan galing sa Bicol kung saan dumalaw lamang ito sa kanyang mga anak.
Nabatid na nagdilim umano ang paningin ng suspek sa kanyang biyenan matapos siyang pagbantaan na papatayin at maging ang mga anak umano nito ay susunugin ng biktima.
Ang suspek ay may tatlong anak, edad, 7, 5 at 2 na nasa pag-aaruga ng kanyang live-in partner at manugang ito habang ang una ay sa Bicol nakatigil.
Tinangka pa ng suspek na tumakas subalit naaresto siya ng mga barangay Tanod.