KULONG ang pekeng abogado ng kapangalang ng dating sikat na PBA player na si Paul Alvarez matapos hingan ng pera ang mister na gustong mapawalang bisa ang kasal sa Caloocan City Linggo ng hapon, Mayo 12.
Nahaharap sa kasong swindling estafa si Paul Alvarez, alyas Atty. Maximo Alvarez, 51 ng Kamias st., Quezon City.
Sa reklamo ni Renato Ortega, 56 ng Kabulusan 2 ng lungsod, noong nakalipas na alas-10 ng umaga noong Abril 23, 2013, nagpunta siya sa LUSA Realty Consultancy Services sa Victoria Bldg., ng lungsod at sinalubong ng suspek na nagpakilalang abugado.
Nais ng biktima na mapawalang bisa ang kanyang kasal kung saan sinabi ng suspek na kailangan ang P60,000 upang maayos.
Nagbigay ng P45,000 ang biktima subalit makalipas ang ilang araw ay wala pa rin resulta.
Nagduda ang biktima at nagberipika sa Department of Justice hanggang sa malaman na pekeng abugado ang suspek.
Hinihingi ng suspek ang kakulangan sa bayad na pinaunlakan naman ng biktima bago humingi ng tulong sa mga pulis ang huli.
Napagkasunduan na sa bahay ng biktima ibibigay ang pera na naging dahilan upang magsagawa ng entrapment dakong alas-3:30 ng hapon.
Nang tanggapin ng suspek ang mark money ay lumabas ang mga nagtatagong mga pulis at agad na dinamba ang una na umamin na pekeng abugado na naging dahilan upang dalhin sa presinto at sampahan ng nasabing kaso.