TODAS ang isang purok leader habang sugatan ang kapwa purok leader na tinamaan ng tumagos na bala sa una nang putukan ng isa sa dalawang hindi pa nakilalang mga lalaki sakay ng motorsiklo sa Caloocan City Martes ng hapon, Mayo 14.
Dead on the spot sanhi ng tama ng bala sa kaliwang leeg si Manny Cope, 45, Purok Leader at residente ng Phase 1, Bagong Silang, nasabing lungsod.
Ginagamot naman sa East Avenue Medical Center sanhi ng tama ng bala sa kaliwang braso si Gilberto Suarez, nasa hustong gulang ng nasabing lugar.
Sa ulat, alas-2:30 ng hapon, nag-iinuman ang mga biktima sa tapat ng bahay ni Cope nang dumating ang mga suspek na pawang naka-helmet at putukan si Cope.
Tumagos ang bala at tumama kay Suarez na naging dahilan upang dalhin sa EAMC kung saan tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklong hindi na nakuha ang plaka.
Inaalam na ng mga pulis kung may kaugnayan ang insidente sa katatapos lang na halalan.