KULONG ang isang ginang nang magpuslit ng mga deodorant sa isang supermarket sa Caloocan City, Martes ng Tanghali, Mayo 14.
Nahaharap sa kasong theft si Jane Ramos, 57 ng A. Mabini St., Maypajo, nasabing lungsod.
Batay sa ulat, alas-12:40 ng tanghali, pumasok ang suspek sa Novo Supermarket sa Rizal Avenue Ext., at nagkunwaring kostumer.
Paglabas ng suspek ay sinita ng guwardiyang si Jacquelyn Balauitan matapos mapansin na hindi dumaan sa counter ang biyuda.
Nang tingnan ang dalang plastic bag ng suspek ay nakita ang aabot sa 177 piraso ng iba’t ibang klase ng deodorants at nang hanapan ng resibo ay walang naipakita ang ginang kaya agad siyang dinala sa presinto saka kinasuhan.
Sa presinto, inamin ng ginang na nagawa niyang ipuslit ang mga deodorant dahil sawa na siyang pinagtsitsismisan ng mga kapitbahay sa amoy ng kanyang kilikli.