NAHUKAY ng mga road repair crew ang isang Vintage World War II explosive sa Quezon City kaninang umaga Mayo 16, 2013.
Ipina-kordon naman agad ng pulisya ang lugar matapos na mahukay ang eksplosibo sa ilalim ng lupa para hindi makadisgrasya.
Sa ulat, natuklasan ang ekplosibo na isang bala ng kanyon na ginagamit noon pang World War 2 dakong alas 8 ng umaga malapit sa Quirino Memorial Medical Center (QMMC) na nasa kanto ng Tirona at P Tuazon Streets sa Project 4.
Bago ito, naghuhukay ng lupa ang mga tauhan ng Department of Public Works and Highways sa nasabing lugar nang bumungad sa kanila ang lumang bagay na gawa sa bakal at hugis bala ng armas.
Sa takot na sumabog, tumawag agad sa awtoridad ang mga nagkukumpuni para sa kaukulang disposisyon.
“This is from World War II, sa kanyon ‘yan. Pwede itong sumabog kung mali ang pagkakagalaw,” pahayag ni SPO3 Marquez ng Quezon City Police District explosive expert.
Maari, aniyang, dalhin ang eksplosibo sa isang pasilidad sa Tarlac para ito ay ipa-detonate.