NAGSUMBONG sa pulisya ang dalawang Indian national kaugnay ng bantang pagkidnap ng kanilang sariling kababayan.
Sa sumbong nina Harjit Singh, 40, negosyante , ng 2824 M. Natividad St. Sta. Cruz, Maynila at Davinder Singh, 43, negosyante, ng P. Sevilla St. 2nd Ave. Grace Park, Caloocan City sa MPD-General Assignment Section, nakatanggap sila ng pagbabanta sa pamamagitan ng “text messages” kagabi mula sa kanilang mga kababayang Indian.
Ayon kay PO3 Jay Jacob, imbestigador ng MPD, hindi muna pinangalanan ng mga biktima ang mga suspek na nagpadala ng text messages sa kanila.
Hinala ng dalawang banyaga na ang nangyayaring kompetisyon sa negosyong pagpapautang ang dahilan kung bakit pinagbantaan silang dukutin.
Dumulog sa pulisya ang mga biktima dahil nangangamba umano sila na may mangyari sa kanila at sa kanilang mga pamilya.