PINAGSASAKSAK hanggang sa mamatay ang isang pulis nang umawat sa away ng dalawang tropang nagbabangayan sa Cebu nitong Biyernes ng gabi (Mayo 17).
Hindi na umabot nang buhay sa ospital sanhi ng tinamong saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si SP03 Jose Relampagus, 52-anyos, nakatalaga sa Tuburan police station.
Sa kabutihang palad, hindi naman nadamay ang live-in partner ni Relampagus na si Marilyn Laureto bagamat tinangka rin nitong umawat sa gulo.
Sa pamamagitan ng hot pursuit operation ng pulisya, nahuli naman agad ang mga suspek na sina si Michael Veloso, Romstel Casas at Roly Capin habang pinaghahanap pa ang mag-amang Antonio Albaro at ang anak nito.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong 9:45 nitong Biyernes ng gabi sa Barangay Looc, Danao City, Cebu.
Bago ito, dahil bisperas ng kapistahan sa nasabing lugar, kaya naglakad-lakad ang biktima kasama ang kanyang live-in partner na si Marilyn sa town plaza.
Pero may napansing komosyon ang biktima na dalawang tropa ng kalalakihan na nag-aaway kaya pumagitna ito para umawat pero siya ang pinagtulungang bugbugin.
Hindi pa nakuntento, pinagsasaksak pa ito ng mga suspek bago tumakas.