PATAY ang isang rider habang kritikal ang angkas nito matapos mabangga ng dump truck sa intersection ng Caloocan City kaninang madaling araw.
Dead-on-the-spot sanhi ng pinsala sa ulo at katawan si Celso Ramos, 25, ng Villanueva St., Pasay City.
Inoobserbahan naman sa President Diosdado Macapagal Memorial Medical Center sanhi rin ng pinsala sa ulo at katawan ang angkas na si Christopher Toneres, 21, at kalugar ng nasawi.
Sumuko naman sa mga pulis si Manuel Liwanag, 51, ng San Miguel Bulacan at driver ng dump truck (RJF-678).
Sa ulat, dakong alas-12:15 ng madaling araw, binabagtas ng mga biktima sakay ng Kawasaki (9562-HX) ang Rizal Avenue Ext., at pagsapit sa kanto ng 7th Avenue ay nakabanggaan ang dalang dump truck ng suspek.
Tumilapon ang mga biktima at napuruhan ang nasawi habang dinala naman sa PDMMMC ang angkas.