KOTSE at steel vault na hindi pa alam kung ano ang mga laman ang sapilitan tinangay ng limang hindi pa kilalang mga suspek matapos pasukin at igapos ang mga katiwala sa Caloocan City Lunes ng madaling araw, Mayo 20.
Sa pahayag ng caretaker na si Aida Estrella, nasa hustong gulang at stay-in ng Clarion Building sa MacArthur Highway ng lungsod, dakong alas-4:45 ng madaling araw, lumabas siya ng building at binasa ang sementadong kalsada nang sumulpot ang dalawa sa limang suspek sabay tutok ng baril.
Hinila sa loob si Estrella at binusulan bago ginapos kasama ang asawang si Wilfredo at naghalughog sa opisina ni Benito Sison.
Sumunod ang tatlo pang suspek at pinagtulungan buhatin ang steel vault bago tumakas dala ang Mitsubishi Galant (ZNN-530) ni Sison.
Nang makawala sa pagkakagapos ay nagsadya sa presinto ang mag-asawa upang ipaalam ang pangyayari kung saan nag-iimbestiga na ang mga pulis upang makilala ang mga suspek.