PINAGHUBAD at ikinulong sa comfort room ang dalawang dalagang kawani ng isang travel agency makaraang pasukin ng dalawang armadong holdaper ang kanilang tanggapan at tangayin ang salapi at mga kagamitan ng kompanya kanina sa Las Piñas City.
Kinilala ang mga biktima na sina Bea Angelica Ceniza, 19 at Liezel Marquez, 24, kapwa ng kawani ng Tickets 2 Travel Agency na nasa ikalawang palapag ng Tatlong Hari Building sa 502 Real St., Brgy Almanza 1.
Sa isinumiteng ulat kay Las Piñas Police chief Senior Supt. Adolfo Samala, Jr., unang pumasok at nagpanggap na kustomer ang isa sa dalawang suspek sa naturang tanggapan pasado alas-2 ng hapon bago sumunod ang kasama nitong nakasuot ng maskara at kapwa na nagdeklara ng holdap, gamit ang dalang baril.
Tinangay ng mga suspek ang pera at mga personal na gamit ng mga biktima gayundin ang laptop computer at mamahaling mobile phone ng kompanya bago pinaghubad ng kani-kanilang damit ang mga kawani nito at ikinulong sa loob ng comfort room.
Kinailangan pang hagilapin ng mga biktima ang kanilang mga damit bago makahingi ng tulong sa kalapit na dental clinic sa pamamagitan ng pagdaan sa fire exit.
Ayon kay SPO1 Ernesto Bautista, Jr. ng Las Piñas Police Criminal Investigation Unit, aalamin nila kung may close circuit television (CCTV) camera ang gusali na pagbabatayan upang makilala ang mga suspek.