BUMULAGTA sa kalsada ang isang hardware store owner at ang kanyang live-in partner habang sugatan naman ang kanilang dalawang helper nang bugahan ng bala ang kanilang bahay ng motorcycle-in-tandem sa Cotabato province nitong Miyerkules ng gabi (Mayo 22).
Sinabi ni City police director Supt. Chino Mamburam, na ang namatay na magdyowa ay sina Gina Bayhon, misis ng dating military officer at may-ari ng Donamae Hardware at ang kanyang live-in partner na si Kenneth Gelloriza.
Sugatan naman sa pag-atake na naganap dakong 10:30 p.m. nitong Miyerkules ng gabi ang dalawang tindera na sina Faith Peñaflorida at Ivy Peñalosa.
Bago ito, nagmula ang mga biktima sa kanilang hardware store at halos kararating pa lamang sa subdibisyon nang ratratin ng M16 rifles ang buong kabahayan ni Bayhon.
Isinugod sa pinakamalapit na ospital ang mga biktima pero halos sabay na nalagutan ng hininga.
Sinabi ni Maburam na personal grudge ang nasisilip na motibo sa pag-atake kabilang ang Business-related animosity.
May nakabinbin din na kaso sa korte si Bayhon at ang mga salarin aniya ay mga hired killer dahil sa estilo na rin ng pagpatay.