KINUYOG ng ilang kalalakihan ang isang Chinese national nang pwersahing makipagtalik sa kanyang itineybol na guest relations officer (GRO) sa isang night club kagabi sa Pasay City.
Kinilala ang biktima na si Jayson Go, 45, ng 16-C City Plaza Condominium, San Fernando St., Binondo, Manila.
Ayon sa pulisya, alas-8:50 ng gabi nang kaladkarin papalabas ng ilang kalalakihan ang biktima mula sa maliit na night club sa Gil Puyat Avenue bago pinagtulungang bugbugin matapos magsisigaw at pumalag ang ka-table niyang GRO nang puwersahin siyang makipagtalik.
Nagkataon namang napadaan sa naturang lugar ang mga tauhan ng Intelligence Unit ng Pasay City police kaya nagtakbuhan ang kalalakihang bumugbog kay Go.
Kaagad namang tinulungan ni PO3 Antino Balaois, Jr si Go upang dalhin sa Pasay City General Hospital nang makapa sa loob ng bulsa nito ang isang kalibre .38 pistola na natuklasang walang kaukulang lisensiya at permit to carry.
Matapos maipagamot ang Chinese, sa selda ang bagsak ng dayuhan nang sampahan ng kasong illegal possession of firearms at paglabag sa Omnibus Election Code sa Pasay City Prosecutors Office.