ISANG pinaghihinalaang tulak ng shabu ang nadakip ng mga undercover agents ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isinagawang buy-bust operation noong May 23, 2013.
Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr. ang nahuling suspek na si Maria Teresa Sarajina, alias Teray Aronales, 42 anyos, ng Gorordo Avenue, Lahug, Cebu City.
Batay sa ulat, pasado alas 4:45 ng hapon ng maglunsad ng operasyon ang mga elemento ng PDEA Regional Office 7 (PDEA RO 7) sa pangunguna ni Director Julius Navales laban kay Sarajina sa Sitio Sudlon, Brgy. Lahug, Cebu City.
Huli umano sa akto si Sarajina habang iniaabot nito sa umaktong poseur buyer ng PDEA ang binili nitong shabu at matapos nito ay nahulihan pa siya ng karagdagang 20 sachet ng shabu at ginamit na buy-bust money.
Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Article II, of Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.