NAGPAALALA ang pamunuan ng Manila Police District sa publiko lalo na sa mga magulang na nag-ingat sa mga kawatan habang namimili lalo na sa Divisoria ng school supplies ng kanilang mga anak para sa nalalapit na pasukan sa Lunes (June 3).
Ayon kay MPD Spokesperson P/Insp.Erwin Margarejo, siguraduhing naka-safety ang mga perang dala ng mamimili dahil siksikan ngayon ang tao sa mga malls lalo na sa Divisoria kung saan mabibili ang mga murang gamit sa eskuwelahan.
Pinayuhan din ni Margarejo ang publiko na huwag magdala ng malaking halaga at huwag magsusuot ng alahas upang hindi sila mabiktima ng mga holdaper o snatcher sa lugar.
Dagdag pa ng opisyal na dapat hawakan ng mabuti ang dalang bag at kung kinakailangan ay yakapin ito sa harapan ng katawan upang hindi masalisihan ng mga mandurukot.
Huwag na rin umanong magdala ng bata upang hindi maipit sa siksikan ng tao at makaiwas sa sobrang init ng panahon.
Mabisa pa rin, aniyang, maging mapagmatyag sa paligid at maging alerto kapag may napansing umaaligid o dumidikit habang ikaw ay abala sa pamimili.