NAGSANIB puwersa na ang Quezon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), Department of Environment and Natural Resources (DENR) at iba pang tanggapan ng ahensya ng gobyerno para mahanap ang babaeng mountaineer na nawala sa Mt. Banahaw, Quezon province.
Ayon sa ulat, noong Linggo pa nai-report ang pagkawala ng kontak sa biktimang hindi pinangalanan ngunit nitong umaga lamang sinimulan ang malawakang search and rescue operation.
Sinabi naman ni Mt. Banahaw Park Supt. Salud Pangan na wala silang ibinigay na permiso sa grupo, kaya nagulat na lamang sila nang makarating ang impormasyon na may hinahanap na mountaineer.
Nabatid na kasama ang babae sa isang team na may local guide ngunit hindi pa malaman kung paano ito nahiwalay sa mga kasamahan.