LUCENA CITY – Upang maiwasang bakante, ang Quezon police office ay nagtalaga ngayon ng kapalit ng mga pulis na nasangkot noong Enero 6 sa nangyaring barilan sa Atimonan, Quezon na nag-iwan ng 13 kataong patay kasama ang isang police colonel at environmentalist .
Ito ay ayon kay OIC Quezon police director Senior Supt. Dionardo Carlos sa isang interview matapos ng kanyang pormal na pag-uumpisa ng panunungkulan ngayong araw..
Si Carlos, na produkto ng Philippine Military Academy Class 88 at native ng lungsod na ito ay pormal na nag-umpisa sa kanyang pwesto matapos na ma-relieved si Quezon police director Senior Supt. Valeriano de Leon sa isang pormal na turn over of command na pinangunahan ni Calabarzon police deputy director for administration, Chief Supt. Abner Dimabuyo.
Dahil sa prinsipyo ng command responsibility, si De Leon ay sinibak sa pwesto ni Phil. National Police chief, Director General Alan LM Purisima kaugnay sa nangyaring insidente sa Atimonan kasama ang anim na iba pang police officers at ilang police non-commissioned officers.
Sinabi ni Carlos na ang regional police office ay nangako na magpapadala ng mga pulis sa Quezon kapalit ng mga na-relieved na pulis na na-reassigned sa Camp Crame at Camp Vicente Lim sa Calamba City habang hinihintay ang kahihinatnan ng imbestigasyon na kasallukuyang isinasagawa ng National Bureau of Investigation (NBI).
Ipinaliwanag pa ni Carlos na habang hinihintay ang karagdagang tauhan na magmumula sa regional headquarters, ang kapulisan mula sa Quezon Provincial Public Safety Company (QPPSC) sa ilalim ni Supt. Allen Rae Co ay pansamantalang itatalaga sa mga nabakanteng pwesto.
Bilang bahagi ng inisyal na pagkilos upang masiguro ang regularidad at pagiging epektibo, ginawa ni Carlos ang ilang pagbabago sa command ay pinalitan at inilipat ang ilang hepe ng pulis at staff.
Si Supt. Sergio Vivar ay itinalagang bagong hepe ng Provincial Intelligence Branch bilang kapalit ni Supt. Ramon Baluag, isa sa pitong police officials na inutusang ma-relieved ni Purisima. Si Chief Insp. Von June Nuyda ang tatayong deputy chief ni Vivar.
Si Supt. Arsenio Bantayan ay itinalagang hepe ng Lopez Municipal Police Station na pinalitan si Chief Insp. Edcille Canals na inilipat naman bilang hepe ng Calauag Municipal Police Station. Pinalitan ni Canals si Chief Insp. Rey Kasilag na nalipat naman bilang hepe ng Mauban Police Station samantalang si Chief Insp. Alvin Consolacion ang pinangalanang hepe ng Gumaca Municipal Police Station.
Sa isang pagpupulong sa kanyang staff at hepe ng mga bayan, inatasan ni Carlos ang kanyang mga tauhan na huwag magtatakip bagkos ay makipagtulungan sa kasalukuyang imbestigasyon ng NBI sa pamamagitan ng pagbibigay na mga kaukulang dokumento na kakailanganin ng tanggapan.