BINITBIT patungo sa himpilan ng Barangay Outpost ang isang tomboy na hinihinalang shop lifter matapos itong maaktuhan na nang-umit at nagsilid ng 800 gramong timbang ng Bear Brand Choco powder sa loob ng kanyang soot na loose short sa isang grocery store noong Sabado ng gabi sa kahabaan ng ML Quezon Avenue, Purok 6 Orig, Barangay Lower Bicutan, Taguig City.
Hinuli sa akto ng nagpakilalang si Michael Palcon, store crew ng Laye and Pia Grocery Store ang suspect na nakilalang si Rowena E. Reyes, 42, walang trabaho at nakatira sa Coco Hills, Barangay Bagumbayan ng naturang lungsod.
Isinalaysay ni Palcon kay Barangay Desk Officer Nory Bong Andalencio na dakong alas 7:10 ng gabi ng mahagip ng kanyang paningin ang kaduda-dudang kilos aniya ng suspect na naglilibot at palingon-lingon sa loob ng kanyang pinaglilingkurang tindahan.
Naispatan umano ni Palcon ng kunin ni Reyes ang malaking sachet pack ng Bear Brand Choco powder at patagong isiniksik iyon sa loob ng kanyang salawal bago ito tuluyang lumabas ng gusali na maagap namang nahawakan ng bantay upang usigin sa ginawang pang-uumit ng paninda.
Dahil sa kakaibang bukol sa pang-ibabang saplot at kakatwang paglalakad ng suspect, agad na nakita ang ebidensiya kaya hindi na nito nagawa pang magkaila.
Sa pagsisiyasat ng Barangay Security Force napag-alaman na si Reyes ay dati umanong nasangkot at nakulong sa kasong theft. Nahaharap ngayon sa panibagong usapin ang natimbog na salarin.