INILATAG na ang prosesong susundin ng mga awtoridad sa Taiwan na nagtungo sa Pilipinas upang imbestigahan ang pagkamatay ng isa nilang mamamayan na nabaril ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Balintang Channel noong May 9.
Ito ay alinsunod na rin sa naging kasunduan ng mga opisyal ng National Bureau of Investigation at mga 6 na imbestigador mula sa Taiwan na dumating ngayon sa bansa.
Batay sa kasunduan, ang pagsasagawa ng ballistic examination o pagsusuri sa mga armas na ginamit sa Balintang Channel incident ang uunahin kungsaan namatay ang Taiwanese fisherman na Hung Shih Chen.
Susunod na susuriin ang mga sasakyang pandagat na sinakyan ng mga personnel ng Philippine Coast Guard o PCG.
Ayon kay NBI Deputy Director Virgilio Mendez, matapos ang naturang proseso ay saka pa lamang nila tatalakayin ang susunod na gagawin ng mga imbestigador ng Taiwan.
Handa rin, aniya, silang ipakita sa Taiwanese investigators ang video footage sa nasabing insidente.