MARIING kinondena ni Kalihim Mar Roxas ng Interior and Local Government (DILG) nitong Martes/Mayo 28 ang pag-atake ng New People’s Army (NPA) sa grupo ng mga pulis sa Cagayan na ikinasawi ng walong miyembro ng Special Action Force.
Ayon kay Roxas, ‘karumal-dumal at walang pakundangan’ ang ginawang pag-atake ng NPA sa mga pulis na nagsasagawa lamang ng ‘medical examination’ sa barangay Allacapan ng tambangan ng mga rebelde Lunes ng umaga.
Base sa salaysay ng mga nakaligtas sa insidente, pinasabugan ang sinasakyan nilang truck bago pinaputukan ng hindi mabilang na rebelde na nakapaligid sa kanila.
“Itong pagatake ng mga NPA ay karumal-dumal at mariin kong kinokondena. Ang mga biktima rito ay hindi lamang mga pulis kundi pati na rin ang mga sibilyan na tahimik na namumuhay,” pahayag ni Roxas.
“Mariin kong kinokondena ang naturang pag-atake dahil ang ganitong uri ng kahayupan ay walang lugar sa isang mapayapang komunidad,” sambit ni Roxas.
”Ito’y tahasang pagyurak sa karapatang pantao. Mapayapang nagsasagawa lamang ng physical fitness test ang ating kapulisan ng sila’y tambangan at paulanan ng mga bala,” pahayag ni Roxas.
Ayon kay Roxas, maituturing na planado ang pag-atake ng NPA sa mga miyembro ng Special Action Force bunsod na rin sa kanilang posisyon at sa pamamaraan ng pananambang, kabilang na ang itinanim na bomba na nagwasak sa sasakyan ng mga pulis.
Tinawag ni Roxas ang mga biktimang pulis na ‘bayani ng taong-bayan’.
Ipinangako rin ni Roxas na kaagad na makukuha ng mga pamilya ng nasawing mga pulis ang karampatang benepisyo. Bawat pamilya ay makakatanggap ng P250,000.00 mula sa Presiden’t Social Fund, P141,000.00 hanggang P181,000.00 mula sa PNP’s SFA, pagpapalibing na P50,000.00 at gratuity benefit na nagkakahalaga ng P203,000.00 mula sa NAPOLCOM.