TODAS ang isang lalaki habang apat ang sugatan makaraang magsalpukan ang isang pampasaherong bus sa Elf truck sa kahabaan ng national highway sa Barangay Bulala sa Bacnotan, La Union.
Kinilala ang biktima na si Teddy Oplas, konduktor ng nasabing bus, ng Cabugao, Ilocos Sur habang sugatan naman ang bus driver na si Renson Aguilo, 38, ng bayan ng Dasol, Pangasinan; Fedileto Daniel na taga-Ilocos Sur, pasahero; Melchor Belibe na naninirahan sa Abra, pasahero, at ang drayber ng truck na si Jason Supnet, 32, residente ng Barangay Salvacion sa bayan ng Rosales, Pangasinan.
Nabatid na patungo sana sa Metro Manila ang naturang pampasaherong sasakyan nang banggain ang umaatras na truck.
Hindi umano naiwasan ng bus driver ang truck dahil sa matulin na pagpatakbo nito.
Hindi na rin maghahain ng kaso ang pamilya ng nasawi makaraang makipag-areglo ang naturang driver.