NAIUWI na ng 43-anyos na kolektor ang kalahati ng mahigit P46 milyong jackpot prize ng 6/45 Mega Lotto na binola noong Mayo 20 sa tanggapan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa Pasay City.
Ayon sa instant milyonaryo na namamasukan sa isang kompanya sa Quezon City, natuklasan lamang niyang nagwagi ang inaalagaan niyang numero na 10-19-07-21-28-22 na buhat sa araw ng kapanganakan at anibersaryo nilang mag-asawa nang mapadaan siya sa isang lotto outlet noong Sabado kaya naantala niyang kubrahin ang panalo.
Personal na iniabot ni PCSO General Manager Jose Ferdinand Rojas II ang tsekeng may kabuuang halagang P23,228.663.30 na kalahati ng jackpot prize na P46,557,326.60 sa lalaking nagwagi na gagamitin niya sa pagtubos sa nakasanla nilang bahay, pagpapatayo ng apartment at paglalaan sa kinabukasan ng dalawa niyang anak.
Nauna nang kinubra ng isa pang 20-anyos na lalaking bagong kasal ang kalahati ng premyo matapos makuha rin ang tamang kombinasyon.