PINALAYA na ng korte ang dalawang miyembro ng Presidential Security Group (PSG) na nadakip dahil sa tangkang panghoholdap sa isang car shop nitong Mayo 23, 2013 matapos magpiyansa.
Ang akusadong si Corporal Bobby Ates na nahaharap sa kasong illegal possession of firearms at paglabag sa Omnibus Election Code ay pinalaya ng korte matapos maglagak ng P72,000 piyansa para sa pansamantalang kalayaan.
Nabatid sa ulat na ang kaso laban kay Ates ay magkahiwalay na ni-raffle nitong Linggo sa Quezon City Metropolitan Trial court Branch 34 at Regional Trial Court Branch 81.
Sinabi sa ulat na ang arraignment sa kasong illegal possession of firearms sa akusado ay itinakda sa Sept. 10, habang ilalabas ng korte ang iskedyul ng arraignment dito sa kasong election offense.
Nauna rito, inirekomenda ni Inquest Prosecutor Caroline Tobias ang pagsasampa ng kaso laban kay Ates na nabigong magpakita ng dokumento na otorisado itong humawak ng .9 HK USP pistola ng baril matapos madakip.
Samantala inirekomenda naman ng piskalya ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa kasong illegal possession of firearms at paglabag sa election gun ban laban sa isa pang PSG member, na si Sergeant Marvin Gaton.
Ayon sa piskalya si Gaton ay nakapagpakita ng certificate of authority sa dala nitong kalibre .45 pistola ng baril matapos madakip.