INAASAHANG magre-report na anomang araw mula ngayon ang 8-man team ng National Bureau of Investigation (NBI) kay Justice Secretary Leila de Lima upang isumite ang nakalap nilang ebidensya sa isinagawang parallel investigation sa Taiwan kaugnay sa shooting incident sa Balintang channel sa Batanes.
Dumiretso ang mga investigator sa NBI headquarters sa Maynila kagabi mula Taiwan. Dumating ang mga imbestigador lulan ng Philippine Airlines flight PR-895 at lumapag sa Ninoy International Airport (NAIA) Terminal 2 ganap na alas 6:00 ng gabi.
Ayon kay NBI team leader Daniel Deganzo, hindi sila binigyan ng pagkakataon na mare-autopsy ang bangkay ng mangingisdang Taiwanese kaya binigyan na lamang sila ng larawan at advance copy ng autopsy report.
Sisikapin naman ng grupo na tapusin ang investigation report ngayong weekend at posibleng mailabas na sa susunod na linggo.