SWAK sa kulungan ang isang lalaki matapos nitong lansihin ang may-ari ng battery shop at tangayin ang pinapakargahang battery ng isang negosyante kaninang umaga sa Barangay San Jose, Navotas City.
Kinilala ang suspek na si Leonardo Masipac, 37, may asawa, ng bagong Barrio San Jose ng nasabing lungsod.
Ayon sa ulat, dakong alas 8:30 kaninang umaga ng lansihin ng suspek ang may-ari ng battery shop na si Ruben Fernandez, 20, ng nasabing lugar.
Nauna rito, dinala ng biktimang si Victorino Bunson y Buenaventura, 40, may asawa, ng 78 Los Martirez St. ng nasabing barangay ang kanyang battery ng truck kay Fernandez para ipa-recharge.
Nang balikan ng may-ari ang nasabing battery kay Fernandez wala na itong maibigay sapagkat kinuha na ni Leonardo sa utos umano ng may-ari.
Sa isinagawang follow up operation ng mga awtoridad nadakip ang suspek subalit hindi na naibalik pa ang nasabing battery dahil sa naipagbili na.
Sasampahan ng kasong panlilinlang at theft si Leonardo sa piskalya ng Lungsod.