PATAY ang isang delivery boy matapos pagbabarilin ng di nakilalang suspek kaninang umaga sa Baseco,Compound Port Area, Maynila.
Kinilala ni SPO1 Milbert Balingan ng Manila Police District-homicide section, ang biktima na si Michael Abad, 31, ng 326 Aplaya St., Block 1 Baseco Compound, Port Area, Maynila.
Sa report, dakong alas-6 ng umaga nang makitang nakahandusay at duguan ang biktima malapit sa bahay ng biktima.
Huling nakitang buhay ang biktima ng kanyang ka–live in na si Christine Lagumen dakong alas 12:30 ng madaling araw matapos ihatid ng biktima sa terminal ng tricycle ang huli.
Nabatid na bago naganap ang insidente ay nakapagteks pa ang biktima sa kanyang kinakasama kung saan binanggit na may pupuntahan lamang ito ngunit hindi naman binanggit kung saan.
Ayon kay Amy Lucedo, 68, naalimpungatan siya nang makarinig ng apat na putok ng baril pero hindi niya pinansin at pinagpatuloy ang pagtulog.
Gayunman, pagputok ng liwanag ay nakita niya na nagkakagulo sa kanilang lugar kungsaan nakahandusay ang biktima.
Patuloy naman na inaalam ng pulisya ang motibo ng pagpaslang sa biktima.