(Update) Tinutugis na ngayon ng pulisya ang isang houseboy helper na kumatay sa sariling amo na retired military colonel sa Zamboanga City nitong Linggo ng hapon (Hunyo 2).
Para mas mapadali ang paghuli, nakipag-ugnayan na ang lokal na pulisya sa Zamboanga Sibugay PNP para puspusang hanapin buhay man o patay ang suspect na nakilala lamang na Alyas Dodong, 23-anyos, tubong Kabasalan Minucipality, Zamboanga Sibugay.
Kasama namang naglahong parang bula ng suspect ang motorsiklo at kalibre 45 baril ng biktimang si Fernando Camohoy Hugo, 59-anyos, retired military colonel ng Philippine Army (PA) at resindete ng Ever Green Drive, Barangay Guiwan, Zamboanga Sibugay.
Natagpuan ang tadtad ng taga ang bangkay ng biktima dakong 8 nitong Lunes na ng umaga sa rest house nito sa Barangay Lamisahan, Zamboanga City.
Ayon sa anak ng biktima na ayaw magpakikilala, kasama ng kanyang ama ang kanilang houseboy na pumunta kahapon sa kanilang resthouse. At dahil dahil hindi umuwi ng bahay kaya siya pumunta sa resthouse para alamin kung doon natulog ang kanyang ama.
Pero laking gulat niya nang makita ang bangkay ng ama sa loob ng kanilang resthouse.
Dahil dito, itinuturing na ngayon ng pulisya na prime suspect si Dodong dahil hindi na rin ito nakita sa resthouse.