TATLONG bagitong pusher ang nalambat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isinagawang buy-bust operation sa Cavite nitong nakalipas na Mayo 30, 2013.
Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr., kinilala ang mga suspek na sina Naimah Dumara, 22, Jalilah Datumulok, 18 at isang menor de edad na 17-anyos, pawang residente ng Block 05, Sta Lucia Compound, Dasmarinas, Cavite.
Sinabi ng PDEA na dakong 6:00 ng gabi, dinakip ng mga operatiba ng PDEA Regional Office-National Capital Region (PDEA RO NCR) ang mga suspek matapos pagbilhan ng transparent plastic bag na naglalaman ng 100 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P500,000 ang isang poseur-buyer sa Area 1 Market, Sta. Lucia Compound, Dasmarinas, Cavite.
Ayon sa PDEAsi Dumara at Datumulok ay kasalukuyan nakapiit sa PDEA detention facility sa Quezon City, habang dinala naman ang 17-anyos na babae sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Nahaharap ang mga suspek ng kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs), Article II ng Republic Act 9165 na mas kilala sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.