HAWAK na ng Department of Justice (DOJ) ang resulta ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa Sabah standoff.
Ayon kay NBI Deputy Director for Regional Operations Virgilio Mendez, naisumite na nila sa DOJ ang report at bahala na si Justice Secretary Leila de Lima kung isasapubliko ito.
Una nang inihayag ni De Lima na sa oras na maisumite sa kanya ang nasabing ulat ay isusumite ito kay Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III .
Matatandaan na una nang lumutang sa mga balita na posibleng maabswelto sa nangyaring standoff sa Sabah sina dating National Security Adviser Norberto Gonzales, kilalang political operator na si Pastor Boy Saycon, at MNLF founding chairman Nur Misuari subalit wala namang komentaryo rito ang NBI.
Sa mga nabanggit na personalidad, tanging si Saycon lamang ang ipinatawag noon ng NBI sa ginagawang imbestigasyon, habang ilan pa sa mga pinagpaliwanag ay ilang miyembro ng pamilya Kiram sa pangunguna ni Sultan Jamalul Kiram III ngunit ang tagapagsalita lamang ng Sultanate of Sulu na si Abraham Idjirani ang humarap sa mga imbestigador.