KUNG hindi pa may uutang na parokyano ay hindi madidiskubreng pinatay ang isang lola na may lending business sa Aklan kaninang umaga, (Hunyo 14).
Nagtamo ng isang saksak sa likod ng bahagi ng katawan ang biktimang si Florentina Tumbagahan, 64, ng Sitio Laguna, Barangqay Cayangwan, Makato, Aklan.
Bukod sa tinali pa ng sintas ng sapatos ang dalawang kamay ng biktima, nawawala rin ang belt bag nito na pinaglalagyan ng kanyang pera.
Blangko naman ang Makato PNP, kung sino ang nagkasa ng krimen pero malakas ang hinalang dati nang kustomer ng biktima ang salarin o mga salarin.
Sa salaysay ni Jennifer Ginoy, natuklasan niya ang krimen nang pumunta siya kaninang umaga (Hunyo 14) sa bahay ni Tumbagahan para umutang.
Pero imbes makautang, bangkay ng biktima ang kanyang nadiskubre na nasa likod ng bahay nito.
Napag-alaman na mag-isa lamang ang biktima na naninirahan sa kanyang bahay kaya malamang naikasa ng mga suspek na walang kahirap-hirap ang krimen.
The post Lola na nagpapautang, kinatay ng kawatan appeared first on Remate.