KALABOSO ang isang bagitong pulis makaraang ireklamo ng 17-anyos na estudyante ng kasong panghahalay kagabi sa Taguig City.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director Chief Supt. Jose Erwin Villacorte ang suspek na si PO1 Jordan Pugon, 28, nakatalaga sa Regional Public Safety Battalion ng National Capital Region Police Office (RPSB-NCRPO) at pansamantalang nanunuluyan sa 09 Padilla St., Purok 6-A Barangay Lower Bicutan.
Sa salaysay ng biktima na itinago sa pangalang “Rica Joy” kay PO1 May Anne Baguino ng Taguig police Women and Children Protection Desk, nasa harapan siya ng kanilang boarding house pasado alas-10 ng gabi nang lapitan siya ng suspek na kanya ring ka-board mate at bigla siyang niyakap at tinangkang halikan.
Nagalit ang biktima kaya’t ipinasya niyang pumasok sa kanyang inuupahang silid subalit sinundan siya ng suspek at sa pamamagitan ng pananakot ay naisakatuparan ang panghahalay.
Matapos ang insidente, kaagad na humingi ng tulong ang biktima sa kanyang mga kaibigan at kaanak na siyang nagsama sa kanya sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya upang doon magreklamo.
The post Bagitong pulis-NCRPO tiklo sa panghahalay appeared first on Remate.