INIREKLAMO ng isang dalaga sa tanggapan Criminal Investigation Branch ng Eastern Police District ang isang miyembro ng Pasig Police matapos na hindi nito isoli ang simcard ng hiniram na cellphone dalawang linggo na ang nakalilipas.
Kinilala ni EPD Investigation chief P/Sr. Insp. Oscar Mansibang ang nagreklamo na si Analie Liberato, 21 anyos, residente ng Blk. 124, lot 5, Diego Silang St., Brgy. Rizal, Makati City.
Kinilala naman ang suspek na si PO3 Rustom Valdez, kasapi ng PNP at nakatalaga sa Station Investigation Division ng Pasig City Police na may tanggapan sa C. Raymundo Avenue, Brgy. Caniogan, Pasig City.
Base sa reklamo ni Liberato, dakong alas-10:00 ng umaga noong Mayo 27, 2013 habang siya ay nasa tanggapan ng Pasig City Prosecutors Office nang lapitan ni PO3 Valdez at nakipagkuwentuhan.
Makalipas ang ilang sandali ay nanghiram ng cellphone ang suspek dahil lowbat ang kanyang telepono at kailangang tawagan ang kanyang mga kasamahang pulis.
Dahil sa nabanggit ni PO3 Valdez ang pangalan ni Sr. Insp. Mansibang at EPD Investigator chief SPO4 Geminer Tingne ay nagtiwala ang biktima.
Dito ay biglang tinawag ang pangalan ng biktima sa loob ng tanggapan ni Fiscal Sabarre kung kaya’t nakalimutang kunin ang cellphone sa suspek at nang lumabas ay wala na ito.
Hinintay niya ng halos dalawang oras si PO3 Valdez subalit hindi na ito nagpakita kung kaya’t humingi siya ng tulong kay Sr. Insp. Mansibang at SPO4 Tingne.
Makalipas ang halos dalawang linggo ay naisoli ang cellphone subalit wala na ang simcard na may numerong 0915257004 na naglalaman ng halos lahat ng kliyente, kaibigan at kaanak ni Liberato.
Sa kabila ng patawag sa tanggapan ng EPD Investigation Office ay hindi lumutang ang suspek dahilan para magsampa ng kaukulang kaso ang biktima.
Binura rin ng suspek ang ibang nilalaman ng telepono at sinasagot ang incoming calls nito dahilan para lalong mabuwisit ang dalaga.
Kasong estafa ang isinampa ng dalaga sa suspek na posibleng kasuhan din ng kasong administratibo o ng paglabag sa conduct unbecoming an officer).
The post Pulis na nanghiram ng cellphone, inireklamo appeared first on Remate.