NABANSAGAN na naman ang Quezon City na ‘salvage capital’ ng bansa.
Ito’y makaraang matagpuan ang isa na namang bangkay ng lalaki na nakasilid sa isang itim na garbage bag sa Cubao, Quezon City kaninang madaling araw (Hunyo 19).
Inilarawan ng pulisya ang biktima na 20 hanggang 30-anyos, medium built, at may bakas ng sakal sa leeg at may tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa pagsisiyasat ni SPO3 Jun Mortel ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), natagpuan ang bangkay dakong alas-12:15 ng madaling-araw sa kanto ng Aurora Blvd. at Driod Street, sa Barangay Kaunlaran.
Bago ito, naghahalungkat ng makakalakal ang isang nangangalang Jeffrey Osilio sa lugar nang mapansin nito ang kulay itim na garbage bag na tila maraming laman.
Pero nang kanyang silipin ang loob nito, bumulaga sa kanya ang bangkay ng biktima.
Hinala ng pulisya na sa ibang lugar pinatay ang biktima at doon lamang itinapon para ilihis ang kanilang ikakasang imbestigasyon.
May tatlong araw pa lamang ang nakalilipas nang matagpuan din sa P. Tuazon St., Barangay San Martin de Pores, Q.C. ang isang salvage victim na mandurukot at hubo’t hubad na isinilid din sa kulay itim na garbage bag.
The post QC tapunan ng salvage victim appeared first on Remate.