TINUTUGIS na ngayon ng pulisya ang isa nilang kabaro at ang kasosyo nito sa sugal na pumatay sa isa pang pulis at kasosyo rin sa pustahan ng cara y cruz sa Iloilo nitong Linggo ng umaga.
Bukod sa kasong pagpatay sa mga biktimang sina P01 Rizaldy Henarios, miyembro ng Regional Public Safety Batallion ng Region 6 at isang nagngangalang Freddie Animas, kinasuhan na rin ng robbery ang mga suspect na sina Michael Hansilan at isang hindi kilalang pulis dahil tinangay ng dalawa ang service pistol ni Henarios at pati ang pera sa pustahan nila sa nasabing laban sa sugal.
Tatlo namang police tracker teams ang pinakawalan na para hanapin ang mga suspect at panagutin sa pagpatay sa mga biktima.
Nitong Linggo ng umaga, nagkainitan ang mga biktima at ang mga suspect dahil sa larong cara y cruz na may malaking pustahan sa isang lamay sa Barangay Mali-ao, Pavia, Iloilo.
Sa pagsisiyasat ng pulisya,, nasa P20,000 na umano ang talo ng suspek na si Hansilan sa pustahan.
Sa kagustuhang makabawi, ipinusta nito ang kanyang singsing na nagkakahalaga ng P20,000.
Ayaw namang patulan naman ito ng isa sa biktima na si Animas kaya nagalit si Hansilan hanggang sa magkagirian.
Inawat ng pulis na si Henarios si Hansilan ngunit binaril ito ng hindi pa nakilalang kasamahan nito na isa ring pulis.
Upang makatiyak na wala ng buhay, kinuha ni Hansilan ang .45 caliber pistol ng pulis na siyang ginamit sa pagbaril dito.
Ang dalawang suspek ay nananatiling at-large habang nakaconfine naman sa ospital ang isa pang biktima na tinamaan ng ligaw na bala.
The post Pumatay sa parak at kasosyo sa sugal, tinutugis appeared first on Remate.