BINALAAN ng Commission on Elections (Comelec) ang mahigit siyam na milyong botante na wala pang biometrics data sa kanilang tanggapan na maaari silang ma-deactivate at hindi makaboto sa May 2016 presidential elections kung hindi iba-validate ang kanilang registration records.
Kaugnay nito, mahigpit ang paalala ng poll body sa mga botante na wala pang biometrics data hinggil sa pagsisimula na ngayong araw, Hulyo 1, ng validation ng registration records gamit ang biometrics system.
“Voters, whose biometrics data have not been captured or those who have incomplete biometric data, may validate their registration records starting July 1,” bahagi ng Comelec Resolution No. 9721.
Ayon sa Comelec, ang mga mabibigong magpa-validate ng voters registration ay maaaring magresulta ng kanilang deactivation mula sa listahan ng mga botante.
Batay sa datos ng Comelec, aabot sa 9,018,256 botante ang nanganganib na ma-deactivate dahil walang biometrics data.
Alinsunod sa Republic Act 10367 o ang Mandatory Biometrics Registration Act of 2013, ang mga botante na mabibigong magpa-validate bago ang May 2016 elections ay made-deactivate mula sa voters’ list at hindi papayagang makaboto.
Nabatid na ang mga tanggapan ng Comelec ay bukas umano mula Lunes hanggang Biyernes mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.
Kinakailangan lamang magdala ng kahit anong mapagkakakilanlan, gaya ng employees identification card (ID), na may lagda ng employer o authorized representative; Postal ID; Students ID o library card, na may lagda ng school authority; Senior Citizens ID; Drivers license; NBI/PNP clearance; Passport; SSS/GSIS ID; Integrated Bar of the Philippine (IBP) ID; at lisensya na inisyu ng Professional Regulatory Commission (PRC).
The post 9-M voters na walang biometrics data, ‘di makaboto sa 2016 elections appeared first on Remate.