NABAWASAN ang sakit ng ulo ng mga Caloocan City Police matapos madakip ang tumatayong lider ng mga carnapper at holdaper ng lungsod.
Kinilala ni Supt., Ferdinand Del Rosario, Deputy Chief of Police at Public Information Officer ng Caloocan City Police ang suspek na si Jonathan Cuya, 23, ng Balingasa, Quezon City.
Nabatid na noong nakalipas na Hunyo 24, 2013 ng umaga nang masabat ng mga Quezon City Police ang suspek habang dala ang isang karnap na Mitsubishi Gallant kung saan nakuhanan pa ng 2 kalibre .40 si Cuya.
Nang malaman ng Pulis Caloocan City ay agad na nakipag-ugnayan ang mga ito sa Quezon City Police dahil si Cuya rin ang sinasabing suspek sa panghoholdap sa mga tauhan ng isang Benito Sison sa MacArthur Highway ng lungsod noong madaling araw ng Mayo 19, 2013.
Kasama rin si Cuya sa bumiktima at gumapos sa negosyanteng si Phillipe Padilla sa bahay nito sa 12th Avenue noong hapon ng Hunyo 2, 2013.
Sangkot rin si Cuya sa panghoholdap sa mag-asawang Maximo Ferrer at Rosalina kung saan binaril pa sa balikat ang ginang noong hapon ng Hunyo 17, 2013 sa 11th Avenue ng lungsod.
Hunyo 21, 2013 ng hapon nang harangin at holdapin ng grupo ng suspek ang sinasakyan D-Max ni Alfredo Francisco sa 4th st., 7th avenue ng lungsod.
Kasalukuyan nang pinaghahanap ng mga pulis ang mga kasama ni Cuya na nakilala sa mga pangalang Raymond David, Rodolfo Lalata, Gino Juanchon at Manolo Manguiddong.
The post Lider ng carnapper, holdaper, tiklo sa Caloocan appeared first on Remate.