PINAGTIBAY ng Court of Appeals ang hatol laban sa isang Japanese National na naaresto at kinasuhan dahil sa tangkang pagpupuslit ng shabu palabas ng bansa.
Sa desisyong may petsang June 25, 2013 at isinulat ni Associate Justice Angelita Gacutan, tinukoy ng CA 10th Division na walang naging pagkakamali sa panig ng Pasay City Regional Trial Court Branch 110 nang hatulan ng guilty si Reiichiro Hayashi dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangeorus Drugs Act of 2002.
Ang dayuhan ay hinatulan din ng mababang hukuman na mabilanggo ng hanggang 14 na taon at pinagbabayad din ng multa na tatlong daang libong piso.
Nag-ugat ang kaso nang si Hayashi ay maaresto sa Ninoy Aquino International Airport noong 2008 nang madiskubre ng awtoridad mula sa kanyang bag ang halos apat na gramo ng shabu na nakatago sa ilalim ng butas ng isang ashtray.
Bagamat inamin ni Hayashi na sa kanya ang ashtray, itinanggi naman niyang may kinalaman siya sa natagpuang shabu.
Ang ashtray ay iniregalo sa kanya ng dalawang Pilipina na nakilala niya sa isang convenience store at nakasama umano niya sa paglibot sa Pilipinas.
Pero hindi binigyan ng CA ng bigat ang alibi ni Hayashi pati na ang ipinunto nitong inconsistencies o hindi pagkakatugma sa salaysay ng kanyang arresting officer.
Iginiit ng CA na natural lamang ang maliliit na inconsistencies sa mga detalye at sa halip na ito ay makasira ay lalo pa nitong pinapatibay ang testimonya ng isang testigo.
The post Kulong sa Japanese drug mule kinatigan ng CA appeared first on Remate.