PATAY ang isang 31-anyos na stevedore nang pagbabarilin ng kanyang pinsang-buo matapos na magtalo dahil sa away nang kanilang mga asawa sa Tondo, Maynila kaninang umaga.
Namatay noon din ang biktimang si Ruel Gomba, may-asawa, ng Squatters Colony, Road 10, Vitas, Tondo, Manila.
Tinutugis naman ng pulisya ang suspek na si Ivy Gambo, pinsan ng biktima, 24, may-asawa, vendor at nakatira din sa nasabing lugar, na tumakas matapos ang pamamaril.
Sa report ni PO3 Jupiter Tajonera ng Manila Police District (MPD)-homicide section, dakong 5:00 ng umaga nang naganap ang insidente sa harapan ng bahay ng suspek.
Sa imbestigasyon, nag-away umano ang asawa ng biktima at suspek dahil sa pagtatapon ng basura na humantong sa pisikal na away.
Kapwa kinampihan ng biktima at suspek ang kanilang asawa na nauwi sa mainitang pagtatalo subalit nagkaayos din ang dalawa.
Hindi akalain ng biktima na nagtanim pala ng galit ang suspek kaya nang papasok ang una sa kanyang trabaho ay inabangan ito ng huli at walang sabi-sabing pinagbabaril na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan.
Matapos ang pamamaril ay tumakas ang suspek dala ang ginamit na baril.
The post Away ng mga misis, mga mister nakialam; 1 binaril, patay appeared first on Remate.