BAGAMAT nasa kritikal na kondisyon sa St. Luke’s Hospital sanhi ng malagim na sinapit sa aksidente, sasampahan ng patong-patong na kaso ang anak ng isang police officer na ang minamanehong sports utility vehicle (SUV) ay nangararo ng sampung katao, tatlo sa kanila ang namatay sa Commonwealth Avenue, sa Quezon City nitong Linggo ng madaling-araw.
Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide at damage to properties ang suspek na si Mark Eleazar Lipana, 20, anak ni QCPD Deputy Director Staff Senior Supt. Procopio ‘Popoy’ Lipana.
Nilinaw naman agad ni QCPD chief Richard Albano, na walang mangyayaring whitewash sa imbetigasyon at magiging patas o walang kakampihan ang mga pulis na mag-iimbestiga sa nasabing insidente.
Sa kabila naman nito, sinabi ni Albano na nagpaabot sa kanya ang matandang Lipana na tutulong ito sa gastusin sa pagpapalibing sa mga namatay na biktima at maging ang mga nasugatan.
Pasado alas-2:30 Linggo ng madaling-araw nang mawalan ng kontrol sa pagmamaneho si Lipana matapos iwasan ang tumawid na magtataho habang binabaybay ang Commonwealth Avenue.
Inararo ng SUV ang sidewalk plaza sa tapat ng barangay hall at nahagip ang isang balut vendor at dalawang kostumer nito saka tuluyang sumalpok sa poste ng plaza.
Patay ang balut vendor na si Liza Romero, 60, at dalawa nitong kostumer na sina Jeffrey Flores, kusinero at July Montefalcon, call center agent.
Anim na iba pa ang sugatan.
Batay sa ulat, pag-aari ng pulis na ama ng suspek ang sasakyang naaksidente.
The post Anak ng QCPD official na nakapatay ng 3 sa aksidente, kakasuhan na appeared first on Remate.