DAHIL sa laki ng hospital bill ng kanyang ipinagamot na misis, nag-amok ang isang foreign national sa Legazpi City nitong Martes ng gabi (Hulyo 16).
Bagama’t pinayagan namang makalabas sa Ago Medical Center matapos magsumite ng promissory note, kakasuhan naman ng pamunuan ng nabanggit na ospital ang suspect na si Nyson House ng damage to property at alarms and scandal.
Naganap ang pag-aamok ng suspect dakong alas 9 nitong Martes ng gabi sa loob ng hospital room na inookupa ng misis ni House na nakaratay doon ng dalawang araw.
Nag-amok at nanira pa ng mga kagamitan si House nang hindi nito ayunan ang lumabas na bill sa pagkaka-confine ng kanyang asawa. Hindi naman nabanggit kung ano ang naging karamdaman ng nasabing ginang.
Bago ito, kinuha ni House sa billing department ang hospital bill ng kanyang misis na umabot sa P20,000.
Biglang nagwala at kinukuwestiyon ni House kung bakit umabot ang hospital bills ng ganoong kataas. Lalo pang nanggalaiti sa galit si House nang sabihan siya ng hospital staffs na maari naman siyang magsumite ng promissory note.
Huminto na lamang sa pagwawala ang suspect nang tumawag ng pulis ang security guard ng nasabing ospital na si Gabby Oliverso, para ireklamo at ipadampot ito.
Kabilang sa mga nasira ng suspect ang pintuan ng comfort room ng nasabing pagamutan at ilang mga kagamitan sa loob ng kanilang kwarto na kinararatayan ng kanyang misis.
The post Nalula sa laki ng hospital bill, dayuhan nag-amok appeared first on Remate.